Ang pagiging “BABAYLAN” ay isang titulo na pinaghihirapan at ito ay iginagawad ng isang community o tribu na kanyang kinabibilangan. Kaya ang pagiging BABAYLAN ay may kaakibat na mabigat na responsibilidad sa kanyang sinasakupan. Hindi mo basta basta pwedeng gamitin ang titulong Babaylan sa pansariling kagustuhan at pansariling hangarin o kapakanan.
Subalit sa panahon pang kasalukuyan at modernong panahon. Ang Kahalagahan at kasagraduhan ng titulong “BABAYLAN” ay unti-unting nawawala at hindi na pinapahalagahan ng tama. Sa kadahilanang nagagamit at ginagamit na lamang ng pabasta-basta. Ang ilan ay ginagamit bilang Pangalan ng kanilang negosyo o ‘di kaya ay tawag sa isang organisasyon o samahan. Ang karamihan naman ay ginagamit na titulo pang sarili dahil sa naisipan lamang at nagandahan sa kadahilanang malakas ang dating ng salitang “Babaylan” o di kaya dahil sa ito ay nauuso.
Bilang pag respeto sa titulong Babaylan at sa mga tunay na Babaylan ng bawat tribu na nagpakahirap ng ilang taon upang makuha ang titulo ng pagiging isang ganap na babaylan ay aming tinatawag ang aming sarili bilang isang “BINABAYLAN”.
Ang salitang “binabaylan” ang ginagamit ng Luntiang Aghama bilang katawagan sa kanyang mga Pari.
Ang kahulugan din ng “binabaylan” ay Ang pag baybay o pagtahak na muli sa landas ng pagiging isang tunay at ganap na “Babaylan”, dahil ang mga Babaylan ay nagsisilbing mediator o tulay para sa mundo ng pisikal at sa mundo ng espiritwal. Ang mga Babaylan ang tagapag panatili ng kaayusan at kapayapaan ng dalawang mundong ito. Sila din ang nakikipag ugnayan o nakikipagusap sa ating mga Anito, Diwata at maging sa mga Engkanto at ang s’yang tagapag ingat ng karunungan, kaalaman at kapangyarihan ng mga ito.
Kaya bilang binabaylan tungkulin nating huwag tuluyang makalimutan, maibalik at mapanatili ang kanilang nasimulang mga gawain, paninilawa at ang kanilang mga ipinaglalaban sa isip, sa salita at sa gawa.
Sa tulong ng Luntiang Aghama at sa kanyang katuruan ang bawat Pari o kanyang binabaylan ay kanyang hinuhubog at hinuhulma upang mag taglay ng kakayahang manggamot (healer), maging isang tagapagturo (teacher), maging isang taga pamuno (leader), maging isang sisidlan at daluyan ng kapangyarihan (mystic) at maging isang tagapagtanggol (warrior).
Bilang isang Pilipino tayo ay nagmula sa Lahi ng mga Babaylan. Ang dugong nananalaytay sa atin ay ang dugong Babaylan. Kaya kung ano mang hiwaga, misteryo o kababalaghan na ating matutuklasan sa ating sarili o makikita sa ibang tao ay hindi natin ito dapat katakutan bagkus ay mas lalo natin itong tuklasin at alamin. Upang sa ganun ay atin itong mayakap ng buong-buo sa isip, sa salita at sa gawa.
Mayari na Magbaya.